Monday, December 20, 2010

Ang Larong Pang-isahan


           Masarap maglaro kung nagiisa. Hindi mo na kinakailangan pang maghanap ng iyong makakalaban: mas challenging ang kalaban mo -ang iyong sarili. Hindi ka makakasakit ng iba at maaari mo pang pigilan ang iyong sarili sa ano mang pagtatangka sa iyong buhay. Mamamatay ka man ay kasalanan mo rin.

           Tingnan mo na lamang sa kabilang banda: walang abala. Ikaw ang syang magsisilbing hari. Walang aagaw ng iyong trono at pwede mong iputong sa iyong ulo ang anomang uri ng metal na korona. Lagayan mo pa ito ng iba't ibang uri ng nakasisilaw na bato. Tapos, matutuwa ka sa sarili mong anyo. Titingnan mo ito sa salamin at mamamangha. Iikot ka sa saya na para bang madulas ang sahig.

            Bibili ka ng kahit ano. Bibili ka na rin ng sarili mong malabahagharing mundo. Ikaw ang syang titira at magiging mamamayan. Hindi ka malulungkot dahil masaya ka sa sarili mong katayuan. Magagalak ka sa anyo nitong isang ilang na natubagan ng maiitim at maputing kulay. Ikaw ang syang pipili ng sarili mong temperatura:  malamig, maiinit, maligamgam.

            Hindi ba't napakasaya ng may sarili kang sarili. Iiwanan mo ang iyong  katauhan at mabubuhay sa sarili mong bango. Hay... napakasaya nga.

            At sa pagikot mo sa harap ng maringal na salamin, matutumba ka at malalaglag ang iyong koronang gawa lamang pala sa tanso at ang mga batong graba lamang pala. Iiyak ka matapos mong masaling ang pagpapanggap. Mananatili ka sa ganoong posisyon sa matagal na minuto. Mapapahiya ka sa harap ng salamin na kukumausap sa iyo ng katotohanan. Hindi mo kasi pinakinggan ang salamin mong tapat lagi sa kung ano ka. Mahilig ka kasi maglaro ng kung ano-ano ng sabay-sabay. Kahit hindi mo alam ang laro, sinusubukan mo.

            Sa susunod maglaro ka uli mag-isa at gawin mong kasama ang iyong sarili sa salamin. Kahit mag-isa kang naglalaro, mararamdaman mong alam mo ang larong ito. Kalaro mo ang sarili mong totoo. Ano kung mag-isa ka sa larong ito. Maswerte ka: kalaro mo na ang sarili mo sa salamin.

            Masaya pa.



No comments:

Post a Comment